Orasan…umiikot, umaawit…tumutunog Gumagabi, umaaraw, sa dahan-dahang pag-ikot May kamay na naghuhudyat, ng oras na sunod-sunod Sa bawat galaw ng kamay, iba’t-iba ang nagaganap Sa mundong umiinog.
Paano nga ba ibabalik, ang kamay ng orasan? Ang sandaling kapiling ko, ang mga minamahal Mga anak na minumutya, asawang pinaglilingkuran Buo at masaya, salat man sa yaman.
Ngunit sa hangaring, ang buhay ay maiangat Maihandog ang magandang bukas, sa anak na nililiyag Ibang bansa’y pinangarap, pilit na hinangad Upang hirap na dinaranas, di na lagging kayakap.
Ngunit sa paglipas ng panahon, sa pagtakbo ng orasan Isang dagok sa buhay, sa akin ay dumatal Asawang itinangi, minahal ng lubusan Nagmahal sa iba, at ako’y iniwan.
Ang pinakamasaklap, ang inspirasyon ng pagsisikap Ang kadluan ng pagtitiis, at ibayong paghihirap Hindi ko na nakita, hindi ko na mayayakap Pagkat supling ko’y inilayo, nasaan kayo mga anak?
Salaping naipon, kapalit ng kalupitan Sa among sakim, bawat segundo’y gahaman Bawat trabaho ko, kanyang inoorasan Kapag ako’y sumala, galit n’ya ang makakamtan.
Wala na ang salapi, wala na rin ang minamahal Nawalan ng saysay, tiniis na kaapihan Sinisisi ang sarili, sa pangarap na inasam Ito ba ang kapalarang, bigay sa ‘kin ng maykapal? Kailan hihinto, ang takbo ng orasan? Kailan babalik sa kahapong iniwan? Kailan maririnig, ang tunog na mainam? Kailan ang oras, anak ko’y masisilayan?
Ako ngayo’y isang orasang, patuloy na lang sa pag-ikot Nabubuhay sa damdaming, punong-puno ng kirot Sa bawat Segundo, bawat minuto, at sa bawat oras na pag-inog Pakiramdam ko’y pawing gabi, walang liwanag na dulot.