Isang araw ako'y nadalaw sa bahay tambakan Labinglimang mag-anak ang duo'y nagsiksikan Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton sila doo'y nakakulong Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito Ay bahay
Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito Ay bahay
Maghapo't magdamag silang kakayod, kakahig Pagdaka'y tutukang nakaupo lang sa sahig Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay
Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw Mahipo n'yo at marinig at maamoy at matanaw Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha Ay bahay